Return to site

Salita ng Diyos ngayong araw | Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Sabi ng Diyos: Bawat isa ay nakadarama na ang pamamahala ng Diyos ay kakaiba, dahil sa palagay ng tao na ang pamamahala ng Diyos ay ganap na walang kaugnayan sa tao.

· Salita ng Buhay

Salita ng Diyos ngayong araw | Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Bawat isa ay nakadarama na ang pamamahala ng Diyos ay kakaiba, dahil sa palagay ng tao na ang pamamahala ng Diyos ay ganap na walang kaugnayan sa tao. Palagay nila ang pamamahalang ito ay gawain lamang ng Diyos nang mag-isa, ang sariling tungkulin ng Diyos, at sa gayon ang sangkatauhan ay walang malasakit sa pamamahala ng Diyos. Sa ganitong paraan, ang kaligtasan ng sangkatauhan ay naging malabo na at hindi malinaw, at ngayon ay walang iba kundi walang-lamang retorika. Kahit na sumusunod ang tao sa Diyos upang maligtas at makapasok sa magandang hantungan, ang tao ay walang pag-aalala para sa kung paano isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain. Ang tao ay walang pagpapahalaga sa kung ano ang mga plano ng Diyos na gawin at sa bahaging dapat niyang gampanan upang maligtas. Gaano kalunus-lunos iyan! Ang pagliligtas sa tao ay hindi maihihiwalay sa pamamahala ng Diyos, mas lalong hindi ito maaaring ihiwalay mula sa plano ng Diyos. Gayunman hindi iniisip ng tao ang pamamahala ng Diyos, at sa gayon ay mas lalong lumalayo sa Diyos. Dahil dito, lumalaki ang bilang ng mga tao na lubos na walang kamalayan sa mga isyung lubhang nauugnay sa tanong tungkol sa pagliligtas—tulad ng ano ang paglikha, ano ang paniniwala sa Diyos, paano sumamba sa Diyos, at iba pa—upang makasama sa grupo ng Kanyang mga alagad. Sa puntong ito, kung gayon, kailangan nating magkaroon ng pagtalakay tungkol sa pamamahala ng Diyos, upang maaaring malinaw na malaman ng bawat tagasunod ang kahalagahan ng pagsunod sa Diyos at paniniwala sa Kanya. Makakaya rin nilang pumili ng landas na dapat nilang lakaran nang mas tumpak, sa halip ng pagsunod lamang sa Diyos upang makakuha ng mga biyaya, o maiwasan ang sakuna, o maging matagumpay.

Kahit na ang pamamahala ng Diyos ay maaaring mukhang malalim sa tao, ito ay kayang maunawaan ng tao, dahil ang lahat ng gawain ng Diyos ay konektado sa Kanyang pamamahala, may kaugnayan sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at patungkol sa buhay, pamumuhay, at hantungan ng sangkatauhan. Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa gitna ng tao at sa tao ay, maaari itong sabihing, napaka-praktikal at makahulugan. Maaari itong makita ng tao, maranasan ng tao, at malayo sa teorya lamang. Kung hindi kayang matanggap ng tao ang lahat ng gawaing ginagawa ng Diyos, kung gayon ano ang kabuluhan ng gawaing ito? At paanong ang nasabing pamamahala ay mahahantong sa kaligtasan ng tao? Marami sa mga taong sumusunod sa Diyos ay may pakialam lamang sa kung paano makatamo ng mga pagpapala o umiwas sa mga sakuna. Sa sandaling nababanggit ang gawain at pamamahala ng Diyos, sila ay tumatahimik at nawawalan ng lahat ng interes. Sila ay naniniwala na ang pagkaalam sa gayong kahihirap na katanungan ay hindi magpapalago ng kanilang buhay o magiging anumang pakinabang, kaya’t kahit na mayroon silang narinig na mga mensahe tungkol sa pamamahala ng Diyos, itinuturing nila ang mga iyong pangkaraniwan. At hindi nila nakikita ang mga iyon bilang isang bagay na mahalagang matanggap, mas lalong hindi nila tinatanggap ang mga iyon bilang bahagi ng kanilang mga buhay. Ang ganoong mga tao ay may isang napakapayak na layunin sa pagsunod sa Diyos, at ang layuning iyon ay para tumanggap ng mga pagpapala. Ang gayong mga tao ay hindi mag-aabalang makinig sa anumang iba pa na walang direktang kinalaman sa layuning ito. Para sa kanila, ang paniniwala sa Diyos upang makatamo ng mga pagpapala ay ang pinaka-lehitimo sa mga layunin at ang mismong kabuluhan ng kanilang pananampalataya. Sila ay hindi nababagabag ng anumang bagay na hindi magkakamit ng layuning ito. Ganyan ang kalagayan ng karamihan sa mga naniniwala sa Diyos ngayon. Ang kanilang layunin at adhikain ay mukhang totoo, dahil kasabay ng paniniwala sa Diyos, sila ay gumugugol din para sa Diyos, iniaalay ang kanilang mga sarili sa Diyos, at ginagampanan ang kanilang tungkulin. Isinuko nila ang kanilang kabataan, tinalikuran ang pamilya at karera, at gumugol pa ng ilang taon na nag-aabalang malayo sa tahanan. Para sa kapakanan ng kanilang sukdulang layunin, binabago nila ang kanilang mga interes, binabago ang kanilang pananaw sa buhay, at binabago pa ang direksyong kanilang hinahanap, ngunit hindi nila mababago ang layunin ng kanilang paniniwala sa Diyos. Nag-aabala sila para sa pamamahala ng kanilang sariling mga mithiin; gaano man kalayo ang daan, at gaano man karaming mga paghihirap at balakid ang naroon sa daraanan, nananatili silang nasa panig ng kanilang mga layunin at nananatiling walang takot sa kamatayan. Anong kapangyarihan ang nagsasanhi sa kanilang patuloy na ialay ang kanilang mga sarili sa ganitong paraan? Ito ba ay ang kanilang konsensya? Ito ba ay ang kanilang dakila at marangal na katangian? Ito ba ay ang kanilang matibay na kapasiyahang makipaglaban sa mga puwersa ng kasamaan hanggang sa katapus-tapusan? Ito ba ay ang kanilang pananampalataya kung saan sila ay nagpapatotoo sa Diyos nang hindi naghahanap ng kabayaran? Iyon ba ay ang kanilang katapatan kung saan handa silang isuko ang lahat upang makamit ang kalooban ng Diyos? O ito ba ay ang kanilang espiritu ng pamamanata kung saan palagi nilang isinasakripisyo ang pansariling maluhong mga pangangailangan? Para sa mga tao na hindi kailanman nakilala ang gawain ng pamamahala ng Diyos na magbigay nang ganoong kalaki ay, sa payak na pananalita, isang nakamamanghang himala! Para sa ngayon, huwag nating talakayin kung gaano kalaki ang naibigay ng mga taong ito. Ang kanilang pag-uugali, gayunpaman, ay lubos na karapat-dapat sa ating pagsusuri. Bukod sa mga pakinabang na malapit na nakaugnay sa kanila, mayroon bang maaaring ibang dahilan para sa mga taong ito na hindi kailanman nauunawaan ang Diyos na magbigay nang napakalaki sa Kanya? Dito, natutuklasan natin ang isang dating hindi-natukoy na problema: Ang relasyon ng tao sa Diyos ay isang hubad na pansariling interes lamang. Ito ay ang relasyon sa pagitan ng tagatanggap at tagabigay ng mga pagpapala. Upang maging malinaw, ito ay tulad ng relasyon sa pagitan ng manggagawa at amo. Ang manggagawa ay gumagawa lamang upang tumanggap ng mga gantimpala na ipinagkaloob ng amo. Sa isang relasyong tulad nito, walang pagmamahal, isang kasunduan lamang; walang pagmamahal at minamahal, kawanggawa at awa lamang; walang pag-unawa, pigil na galit at panlilinlang lamang; walang pagpapalagayang-loob, isa lamang look na hindi maaaring mapagdugtong. Kapag ang mga bagay-bagay ay umaabot sa puntong ito, sino ang makakayang baliktarin ang ganoong kalakaran? At gaano karaming mga tao ang may kakayahang tunay na maunawaan kung gaano naging desperado ang relasyong ito? Naniniwala Ako na kapag ang mga tao ay inilubog ang kanilang mga sarili sa kagalakan ng pagiging pinagpala, walang sinuman ang nakakagunita kung gaano kahiya-hiya at hindi magandang tingnan ang ganoong relasyon sa Diyos.

Ang pinakamalungkot na bagay tungkol sa paniniwala ng sangkatauhan sa Diyos ay na ang tao ay nagsasagawa ng kanyang sariling pamamahala sa gitna ng gawain ng Diyos at walang pagsasaalang-alang sa pamamahala ng Diyos. Ang pinakamalaking kabiguan ng tao ay naroon sa kung paanong, kasabay ng paghahangad na magpasakop sa Diyos at sumamba sa Kanya, ang tao ay bumubuo ng kanyang sariling minimithing hantungan at tinutuos kung paano makatanggap ng pinakamalaking pagpapala at ng pinakamagandang hantungan. Kahit na nauunawaan ng mga tao kung gaano sila kahabag-habag, kasuklam-suklam, at kaawa-awa, gaano ba karami ang maaaring handang talikuran ang kanilang mga mithiin at mga inaasam? At sino ang nakapagpapahinto sa kanilang sariling mga hakbang at ihinto ang pag-iisip lamang sa kanilang mga sarili? Kailangan ng Diyos yaong mga makikipagtulungan nang mabuti sa Kanya upang tapusin ang Kanyang pamamahala. Kinakailangan Niya ang mga maglalaan ng kanilang isipan at katawan sa gawain ng Kanyang pamamahala upang magpasakop sa Kanya; hindi Niya kailangan ang mga taong mag-uunat ng kanilang mga kamay at mamamalimos sa Kanya araw-araw, mas lalo nang hindi Niya kailangan yaong mga nagbibigay nang kaunti at pagkatapos ay naghihintay ng kabayaran sa pabor. Kinamumuhian ng Diyos ang mga taong gumagawa ng maliit na kontribusyon at pagkatapos ay namamahinga na sa kanilang mga katagumpayan. Kinamumuhian Niya yaong mga taong walang-pakialam na umaayaw sa gawain ng Kanyang pamamahala at nais lamang na pag-usapan ang tungkol sa pagtungo sa langit at pagkamit ng mga pagpapala. Siya ay may higit pang pagka-suklam sa mga nagsasamantala sa pagkakataong dinadala ng gawaing Kanyang ginagawa sa pagliligtas sa sangkatauhan. Iyon ay dahil ang mga taong ito ay hindi kailanman nagmalasakit sa kung ano ang mga nais na makamit ng Diyos at makamtan gamit ang gawain ng Kanyang pamamahala. Sila ay may pakialam lamang sa kung paano nila maaaring gamitin ang pagkakataong ibinigay ng gawain ng Diyos upang makatamo ng mga pagpapala. Sila ay walang pagkalinga sa puso ng Diyos, bilang ganap na abala sa kanilang sariling hinaharap at kapalaran. Yaong mga umaayaw sa gawain ng pamamahala ng Diyos at wala man lamang kahit kaunting interes sa kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan at sa Kanyang kalooban, ay gumagawa lahat ng kung ano ang kanilang ikinasisiya na hiwalay sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Ang kanilang pag-uugali ay hindi natatandaan ng Diyos, hindi sinasang-ayunan ng Diyos, mas lalong hindi pinapaboran ng Diyos.

Sa kalakhan ng sansinukob at ng kalangitan, di-mabilang na mga nilikha ang naninirahan at nagpaparami, sumusunod sa batas ng siklo ng buhay, at sumusunod sa isang tuntuning hindi nagbabago. Yaong mga namamatay ay tinatangay ang mga kuwento ng mga buhay, at yaong mga buhay ay inuulit ang parehong kalunus-lunos na kasaysayan ng mga pumanaw na. Kaya nga, hindi maiwasan ng sangkatauhan na tanungin ang sarili: Bakit tayo nabubuhay? At bakit kailangan nating mamatay? Sino ang nag-uutos sa mundong ito? At sino ang lumikha sa sangkatauhang ito? Tunay bang nilikha ng Inang Kalikasan ang sangkatauhan? Tunay bang nasa kontrol ng sangkatauhan ang kanyang sariling kapalaran? … Ito ang mga bagay na walang tigil na itinatanong ng sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon. Sa kasamaang-palad, habang mas nasasaisip ng tao ang mga katanungang ito, mas nagkakaroon siya ng pagkauhaw sa siyensya. Handog ng siyensya ang panandaliang kaluguran at pansamantalang kasiyahan ng laman, ngunit hindi sapat upang palayain ang tao mula sa pag-iisa, kalungkutan, at halos di-maitagong takot at kawalan ng magagawa sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Ginagamit lamang ng sangkatauhan ang kaalaman sa siyensya na nakikita ng kanyang mata at nauunawaan ng kanyang utak upang gawing manhid ang kanyang puso. Gayunma’y hindi sapat ang gayong kaalaman sa siyensya upang pigilan ang sangkatauhan sa pagsisiyasat sa mga hiwaga. Hindi lamang alam ng sangkatauhan kung sino ang Pinakamakapangyarihan sa sansinukob at sa lahat ng bagay, lalo na ang simula at hinaharap ng sangkatauhan. Ang tao ay nabubuhay lamang, nang sapilitan, sa gitna ng batas na ito. Walang makakatakas dito at walang makakapagpabago rito, sapagkat sa lahat ng bagay at sa kalangitan ay Iisa lamang ang nagmumula sa walang hanggan hanggang walang hanggan na nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Siya Yaong hindi pa nakikita ng tao kailanman, Yaong hindi pa nakikilala ng sangkatauhan kailanman, na kung kaninong pag-iral ay hindi pa napaniwalaan ng sangkatauhan kailanman—gayunma’y Siya ang nagbuga ng hininga sa mga ninuno ng sangkatauhan at nagbigay ng buhay sa sangkatauhan. Siya Yaong nagtutustos at nangangalaga sa sangkatauhan, na nagpapahintulot na siya ay umiral; at Siya Yaong nakagabay sa sangkatauhan hanggang ngayon. Bukod pa rito, Siya at Siya lamang ang inaasahan ng sangkatauhan para sa kaligtasan. Siya ang nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at namumuno sa lahat ng nabubuhay sa sansinukob. Siya ang nag-uutos sa apat na panahon, at Siya ang tumatawag sa hangin, nagyelong hamog, niyebe, at ulan. Siya ang nagdadala ng sikat ng araw sa sangkatauhan at nagpapasimula sa gabi. Siya ang naglatag ng kalangitan at lupa, na nagbibigay sa tao ng mga kabundukan, lawa, at ilog at lahat ng nabubuhay roon. Ang Kanyang mga gawa ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang kapangyarihan ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang karunungan ay nasa lahat ng dako, at ang Kanyang awtoridad ay nasa lahat ng dako. Bawat isa sa mga batas at tuntunin na ito ay sagisag ng Kanyang mga gawa, at bawat isa ay naghahayag ng Kanyang karunungan at awtoridad. Sino ang hindi magpapasaklaw ng kanilang sarili sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? At sino ang hindi magpapasakop ng kanilang sarili sa Kanyang mga plano? Lahat ng bagay ay umiiral sa ilalim ng Kanyang titig, at bukod pa rito, lahat ng bagay ay nabubuhay sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ang Kanyang mga gawa at Kanyang kapangyarihan ay nag-iiwan sa sangkatauhan na walang pagpipilian kundi kilalanin ang katunayan na Siya ay totoong umiiral at nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Wala maliban sa Kanya ang makapag-uutos sa sansinukob, lalong walang makapaglalaan nang walang katapusan para sa sangkatauhang ito. Nagagawa mo mang kilalanin ang mga gawa ng Diyos, at naniniwala ka man sa pag-iral ng Diyos, walang duda na ang Diyos ang nagpapasiya sa iyong kapalaran, at walang duda na palaging tataglayin ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang Kanyang pag-iral at awtoridad ay hindi nakasalalay sa kung sila ay kinikilala at naiintindihan ng tao o hindi. Siya lamang ang nakakaalam ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng tao, at Siya lamang ang maaaring magpasiya sa kapalaran ng sangkatauhan. Kaya mo mang tanggapin ang katunayan na ito, hindi na magtatagal bago masaksihan ng sangkatauhan ang lahat ng ito sa kanyang sariling mga mata, at ito ang katunayan na malapit nang isagawa ng Diyos. Ang sangkatauhan ay nabubuhay at namamatay sa ilalim ng mga mata ng Diyos. Ang tao ay nabubuhay para sa pamamahala ng Diyos, at kapag pumikit ang kanyang mga mata sa huling pagkakataon, para din sa pamamahalang ito kaya pumipikit ang mga ito. Ang tao ay dumarating at umaalis nang paulit-ulit, paroo’t parito. Walang eksepsyon, lahat ng ito ay bahagi ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ng Kanyang plano. Ang pamamahala ng Diyos ay hindi kailanman tumigil; ito ay patuloy na sumusulong. Papangyayarihin Niyang malaman ng sangkatauhan ang Kanyang pag-iral, pagtiwalaan ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mamasdan ang Kanyang mga gawa, at magbalik sa Kanyang kaharian. Ito ang Kanyang plano, at ang gawain na Kanyang pinamamahalaan sa loob ng libu-libong taon.

Ang gawain ng pamamahala ng Diyos ay nagsimula sa paglikha ng mundo, at ang tao ang nasa sentro ng gawaing ito. Masasabi na ang paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay ay para sa kapakanan ng tao. Dahil ang gawain ng Kanyang pamamahala ay umaabot nang libu-libong taon at hindi ginagawa sa loob lamang ng ilang minuto o segundo, o sa isang kisapmata, o isa o dalawang taon, kinailangan Niyang lumikha ng iba pang mga bagay na kinakailangan para mabuhay ang sangkatauhan, tulad ng araw, buwan, lahat ng uri ng nilikhang may buhay, pagkain, at isang kawili-wiling kapaligiran. Ito ang simula ng pamahahala ng Diyos.

Pagkatapos, ipinasa ng Diyos ang sangkatauhan kay Satanas, at namuhay ang tao sa ilalim ng sakop ni Satanas, na unti-unting humantong sa gawain ng Diyos sa unang kapanahunan: ang kuwento ng Kapanahunan ng Kautusan…. Sa loob ng ilang libong taon sa Kapanahunan ng Kautusan, ang sangkatauhan ay nasanay sa paggabay ng Kapanahunan ng Kautusan at hindi ito pinahalagahan. Unti-unti, iniwan ng tao ang pangangalaga ng Diyos. Kaya nga, habang sumusunod sa batas, sumamba rin sila sa mga diyus-diyusan at gumawa ng masama. Wala silang proteksyon ni Jehova, at namuhay lamang sa harap ng altar sa templo. Sa katunayan, ang gawain ng Diyos ay matagal na silang iniwan, at kahit sumunod pa rin sa kautusan ang mga Israelita, at sinambit nila ang pangalan ni Jehova, at buong pagmamalaki pang naniwala na sila lamang ang mga tao ni Jehova at ang mga hinirang ni Jehova, ang kaluwalhatian ng Diyos ay tahimik na lumisan sa kanila …

Kapag ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, palagi Niyang tahimik na nililisan ang isang lugar at marahang isinasagawa ang bagong gawaing sinisimulan Niya sa ibang lugar. Tila hindi ito kapani-paniwala sa mga tao, na naging manhid. Palagi nang pinahahalagahan ng mga tao ang luma at kinapopootan at kinaiinisan ang bago at di-pamilyar na mga bagay. Kaya nga, anumang bagong gawain ang ginagawa ng Diyos, mula simula hanggang wakas, ang tao ang huli, sa lahat ng bagay, na nakakaalam dito.

Gaya ng palaging nangyari, matapos ang gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan, sinimulan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain ng ikalawang yugto: pag-aanyo sa katawang-tao—pagkakatawang tao sa sampu, dalawampung taon—at pagsasalita at paggawa ng Kanyang gawain sa gitna ng mga mananampalataya. Gayunman nang walang pagbubukod, walang nakaalam, at tanging maliit na bilang ng mga tao ang kumilala na Siya ay Diyos na nagkatawang-tao matapos na ang Panginoong Jesus ay ipinako sa krus at muling nabuhay. Palaisipan, mayroong lumitaw na isang tinatawag na Pablo, na itinalaga ang kanyang sarili sa mortal na alitan sa Diyos. Kahit matapos siyang hinagupit at naging apostol, hindi nagbago ang lumang kalikasan ni Pablo, at siya ay tumahak sa landas ng paglaban sa Diyos. Sa panahon ng kanyang paggawa, si Pablo ay nagsulat ng maraming mga epistula, na sa kasamaang palad, ang mga sumunod na henerasyon ay tinamasa ang kanyang mga epistula bilang mga salita ng Diyos, hanggang sa ang mga ito ay nakasama sa Bagong Tipan at nalito sa mga salitang binigkas ng Diyos. Ito ay tunay na malaking kahihiyan simula ng pagdating ng Kasulatan! At hindi nga ba ang pagkakamaling ito ay nagawa dahil sa kahangalan ng tao? Lingid sa kanilang kaalaman na, sa mga talaan ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga epistula o espirituwal na mga kasulatan ng tao ay karaniwan lang na hindi dapat naroon upang ipagbalat-kayo ang gawain at mga salita ng Diyos. Ngunit hindi ito ang punto, kaya’t bumalik tayo sa ating orihinal na paksa. Sa sandaling ang pangalawang yugto ng gawain ng Diyos ay natapos—matapos ang pagkapako sa krus—ang gawain ng Diyos ng pagbawi sa tao mula sa kasalanan (na ang ibig sabihin, pagbawi ng tao mula sa mga kamay ni Satanas) ay natupad. At kaya, mula sa sandaling iyon, kailangan lamang tanggapin ng sangkatauhan ang Panginoong Jesus bilang Tagapagligtas para ang kanyang mga kasalanan ay mapatawad. Sa pagbigkas lamang, ang mga kasalanan ng tao ay hindi na hadlang sa kanyang pagkamit ng kaligtasan at paglapit sa harap ng Diyos at hindi na batayan ng pag-usig ni Satanas sa tao. Iyon ay dahil ang Diyos Mismo ay nagsagawa na ng tunay na gawain, naging ang wangis at patikim ng makasalanang laman, at ang Diyos Mismo ang naging handog para sa kasalanan. Sa ganitong paraan, ang tao ay bumaba mula sa krus, na tinutubos at inililigtas dahil sa katawang-tao ng Diyos, ang wangis nitong makasalanang laman. At kaya, matapos na mabihag ni Satanas, ang tao ay nakarating ng isang hakbang papalapit sa pagtanggap ng kaligtasan sa harap ng Diyos. Mangyari pa, ang yugtong ito ng gawain ay ang pamamahala ng Diyos na isang hakbang mula sa Kapanahunan ng Kautusan, at isang mas malalim na antas kaysa Kapanahunan ng Kautusan.

Ganyan ang pamamahala ng Diyos: upang ipasa ang sangkatauhan kay Satanas—isang sangkatauhan na hindi kilala kung ano ang Diyos, kung ano ang Lumikha, kung paano sambahin ang Diyos, at kung bakit kinakailangang magpasakop sa Diyos—at bigyang-kalayaan ang katiwalian ni Satanas. Pagkatapos, paisa-isang hakbang, binabawi ng Diyos ang tao mula sa mga kamay ni Satanas, hanggang ang tao ay ganap na sumasamba sa Diyos at tinatanggihan si Satanas. Ito ang pamamahala ng Diyos. Ang lahat ng ito ay parang kathang-isip na kwento; at tila ito’y nakakalito. Nararamdaman ng mga tao na ito ay tila isang kathang-isip na kuwento, at iyon ay dahil wala silang pahiwatig kung gaano katindi ang nangyari na sa tao sa nakalipas na ilang libong taon, at lalo nang hindi nila alam kung ilang kuwento na ang nangyari sa kalawakan at sa kalangitan. At karagdagan dito, iyon ay dahil hindi nila mapahahalagahan ang mas kahanga-hanga, mas nakapagsasanhi-ng-takot na mundong umiiral sa kabila ng materyal na mundo, ngunit kung saan pinipigilan sila ng kanilang mortal na mga mata na makakita. Pakiramdam dito ay hindi mauunawaan ng tao, at iyon ay dahil ang tao ay walang pagkaunawa sa kabuluhan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan at kabuluhan ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at hindi nauunawaan kung ano ang lubos na ninanais ng Diyos na mangyari sa tao. Ito ba ay isang sangkatauhang katulad kina Adan at Eva, na di nagawang tiwali ni Satanas? Hindi! Ang pamamahala ng Diyos ay upang makamtan ang isang pangkat ng mga tao na sumasamba sa Diyos at nagpapasakop sa Kanya. Ang sangkatauhang ito ay ginawang tiwali na ni Satanas, ngunit hindi na nakikita si Satanas bilang kanyang ama; nakikilala niya ang pangit na mukha ni Satanas, at tinatanggihan ito, at lumalapit sa harap ng Diyos upang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Alam niya kung ano ang pangit, at kung gaano ito kasalungat ng kung ano ang banal, at kinikilala niya ang kadakilaan ng Diyos at ang kasamaan ni Satanas. Ang sangkatauhang tulad nito ay hindi na maglilingkod kay Satanas, o sasamba kay Satanas, o idadambana si Satanas. Iyon ay dahil sila ay isang pangkat ng mga tao na tunay nang nakamit ng Diyos. Ito ang kahalagahan ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan. Sa panahon ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa sandaling ito, ang sangkatauhan ang pinag-uukulan ng katiwalian ni Satanas, at kasabay nito ay ang pinag-uukulan ng pagliligtas ng Diyos, gayundin ang bunga na pinaglalabanan ng Diyos at ni Satanas. Kasabay ng pagsasagawa ng Kanyang gawain, unti-unting binabawi ng Diyos ang tao mula sa mga kamay ni Satanas, kaya’t ang tao ay lalo pang napapalapit sa Diyos …

At pagkatapos ay dumating ang Kapanahunan ng Kaharian, na siyang mas praktikal na yugto ng gawain at gayunman ay ang pinakamahirap din para sa tao na tanggapin. Iyon ay dahil habang mas napapalapit ang tao sa Diyos, mas napapalapit ang tungkod ng Diyos sa tao, at mas malinaw na nakikita ang mukha ng Diyos sa harap ng tao. Kasunod ng pagtubos sa sangkatauhan, ang tao ay opisyal na bumabalik sa pamilya ng Diyos. Akala ng tao ay ngayon ang oras para sa kasiyahan, ngunit siya ay isinasailalim sa isang harap-harapang paglusob ng Diyos, na ang mga katulad ay hindi pa nakini-kinita ng sinuman. Ang kinalalabasan nito, ito ay isang bautismo na dapat “ikasiya” ng mga tao ng Diyos. Sa ilalim ng nasabing pagtrato, ang mga tao ay walang pagpipilian kung hindi huminto at isipin ang kanilang mga sarili, ako ang tupa, na nawala nang maraming taon, na pinaggugulan ng Diyos nang labis upang maibalik, ngunit bakit ganito ako itinuturing ng Diyos? Ito ba ang paraan ng Diyos ng pagtawa sa akin, at paghahayag sa akin? … Pagkaraan ng ilang taon, ang tao ay nabugbog na ng panahon, naranasan ang paghihirap ng pagpipino at pagkastigo. Kahit naiwala na ng tao ang “kaluwalhatian” at “pag-iibigan” ng mga panahong nakalipas, hindi-namamalayang nakarating na siya sa pagkaunawa sa mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao, at nagkaroon ng pagpapahalaga sa ilang taon ng panata ng Diyos sa pagliligtas ng sangkatauhan. Ang tao ay marahang nagsisimulang masuklam sa kanyang sariling kagaspangan. Sinisimulan niyang kamuhian ang kanyang kabangisan, at lahat ng hindi-pagkaunawa sa Diyos, at ang mga wala-sa-katwirang kahilingan na nagawa na niya sa Kanya. Hindi maibabalik ang panahon; ang mga nakaraang kaganapan ay nagiging malungkot na mga alaala ng tao, at ang mga salita at pag-ibig ng Diyos ay nagiging puwersang magdadala sa bagong buhay ng tao. Ang mga sugat ng tao ay naghihilom araw-araw, ang kanyang kalakasan ay nanunumbalik, at siya ay tumatayo at tumitingin sa mukha ng Makapangyarihan sa lahat … upang matuklasan lamang na Siya ay palaging nasa aking tabi, at ang Kanyang ngiti at ang Kanyang magandang mukha ay lubhang nakapupukaw pa rin. Ang Kanyang puso ay nagtataglay pa rin ng malasakit para sa sangkatauhan na Kanyang nilikha, at ang Kanyang mga kamay ay kasing init pa rin at makapangyarihan tulad ng sa simula. Para bang ang tao ay bumalik sa Hardin ng Eden, ngunit sa sandaling ito ang tao ay hindi na nakikinig sa mga pang-aakit ng ahas, hindi na tumatalikod palayo sa mukha ni Jehova. Ang tao ay lumuluhod sa harapan ng Diyos, tumitingala sa nakangiting mukha ng Diyos, at iniaalok ang kanyang pinakamahalagang sakripisyo—O! Aking Panginoon, aking Diyos!

Ang pag-ibig at habag ng Diyos ay nanunuot sa bawat kaliit-liitang detalye ng Kanyang gawaing pamamahala, at hindi alintana kung nakakaya mang maunawaan ng mga tao ang mabubuting intensyon ng Diyos, Siya ay wala pa ring kapagurang gumagawa ng gawaing ninanais Niyang tuparin. Walang pagsasaalang-alang sa kung gaano nauunawaan ng mga tao ang pamamahala ng Diyos, ang mga pakinabang at tulong ng gawaing ginawa ng Diyos ay maaaring mapahalagahan ng bawat isa. Marahil, ngayon, hindi mo pa nadama ang alinman sa pag-ibig o buhay na ipinagkaloob ng Diyos, ngunit hangga’t hindi mo tinatalikuran ang Diyos, at hindi sumusuko sa iyong determinasyong hanapin ang katotohanan, kung gayon palaging magkakaroon ng araw kung kailan mabubunyag sa iyo ang ngiti ng Diyos. Dahil ang layunin ng gawain ng pamamahala ng Diyos ay upang bawiin ang sangkatauhang nasa ilalim ng sakop ni Satanas, hindi upang talikuran ang sangkatauhang nagawang tiwali na ni Satanas at lumalaban sa Diyos.

Setyembre 23, 2005

Ang ebanghelyo ngayong araw - patahimikin ang iyong sarili sa harap ng Diyos upang makinig at pagnilayan ang mga salita ng Diyos araw-araw. Ang iyong espiritu ay makakakain at matutustusan, at ang iyong buhay ay patuloy na lalago.