Upang makapagpatotoo sa Diyos at mapahiya ang malaking pulang dragon, dapat mayroon kang prinsipyo at isang kondisyon: Dapat mong mahalin ang Diyos sa iyong puso, at pumasok sa mga salita ng Diyos. Kung hindi ka papasok sa mga salita ng Diyos, kung gayon wala kang paraan na pahiyain si Satanas. Sa iyong pagsulong sa buhay, itinatakwil mo ang malaking pulang dragon at lubos na ipinapahiya ito, at sa pamamagitan lamang nito talagang napapahiya ang malaking pulang dragon. Habang higit mo pang sinasang-ayunang isagawa ang mga salita ng Diyos, lalo mong napatutunayan ang pag-ibig mo sa Kanya at ang pagkamuhi mo sa malaking pulang dragon; habang higit mo pang sinusunod ang mga salita ng Diyos, lalong napatutunayan ang pagkasabik mo sa katotohanan. Ang mga taong hindi nasasabik sa mga salita ng Diyos ay mga taong walang buhay. Ang mga gayong tao ay nasa labas ng mga salita ng Diyos, at mga kaanib sa relihiyon. Ang mga taong tunay na naniniwala sa Diyos ay may mas malalim na kaalaman sa mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom sa Kanyang mga salita. Kung ’di mo kinasasabikan ang mga salita ng Diyos, hindi ka totoong makakakain at makaiinom ng Kanyang mga salita, at kapag wala kang kaalaman sa mga salita ng Diyos, wala kang paraan para magpatotoo sa Diyos o magbigay kasiyahan sa Kanya.
Sa iyong paniniwala sa Diyos, paano mo Siya makikilala? Dapat mong makilala ang Diyos sa pamamagitan ng mga salita at mga gawain ng Diyos sa ngayon, nang walang paglihis o kamalian, at bago ang lahat ng iyan, dapat mong malaman ang gawain ng Diyos. Ito ang pundasyon tungkol sa pagkilala sa Diyos. Lahat ng iba’t ibang kamalian na walang dalisay na pagtanggap sa mga salita ng Diyos ay pawang mga relihiyosong pagkaintindi, ang mga ito’y pagtanggap na lihis at mali. Ang pinakadakilang kakayahan ng mga pinuno ng relihiyon ay ang pagkuha sa mga salita ng Diyos na tinanggap sa nakaraan at pagsisiyasat sa mga salita ng Diyos ngayon kumpara sa mga ito. Kung sa iyong paglilingkod sa Diyos ngayon, kumakapit ka sa mga bagay na niliwanagan ng Banal na Espiritu noong nakaraan, kung gayon ang iyong paglilingkod ay magdudulot ng pagkaantala, at ang iyong pagsasagawa ay malilipasan ng panahon at pawang relihiyosong seremonya lamang. Kung pinaniniwalaan mo na ang mga naglilingkod sa Diyos ay kailangang nasa anyong mapagpakumbaba at matiisin…, at kung iyong isasagawa ang ganitong uri ng kaalaman ngayon, samakatwid ang gayong kaalaman ay relihiyosong pagkaintindi, at ang gayong pagsasagawa ay naging pagpapaimbabaw na pagganap. Ang mga “relihiyosong pagkaintindi” ay tumutukoy sa mga bagay na luma at lipas na (kabilang na ang pagtanggap sa mga sinalita ng Diyos noong una at ang liwanag na tuwirang ibinunyag ng Banal na Espiritu), at kapag isinagawa ang mga ito sa ngayon, sa gayon ang mga ito ay hadlang sa gawain ng Diyos, at walang pakinabang sa tao. Kung hindi aalisin ng tao sa kanyang loob ang gayong mga bagay na kabilang sa mga relihiyosong pagkaintindi, sa gayon ang mga ito ay magiging malaking hadlang sa paglilingkod ng tao sa Diyos. Ang mga tao na may mga relihiyosong pagkaintindi ay walang paraan para masabayan ang mga paghakbang sa gawain ng Banal na Espiritu, nahuhuli sila nang isang hakbang, at pagkatapos ay dalawa—dahil ang mga relihiyosong pagkaintinding ito ay nagdudulot sa tao ng pagiging sobrang mapagmagaling at mapagmataas. Walang pananabik sa nakaraan ang Diyos sa nasambit o nagawa Niya noong una; kung ito’y lipas na, ito’y inaalis Niya. Tiyak na nagagawa mong bitawan na ang iyong mga pagkaintindi? Kung ikaw ay mangungunyapit sa mga salita ng Diyos noong una, katunayan ba ito na alam mo na ang gawain ng Diyos? Kung hindi mo pa tinatanggap ang liwanag ng Banal na Espiritu sa ngayon, at sa halip ay nangungunyapit sa liwanag ng nakaraan, mapapatunayan ba nito na ikaw ay sumusunod sa mga yapak ng Diyos? Hindi mo pa rin ba mabitawan ang iyong mga relihiyosong pagkaintindi? Kung iyan ang lagay mo, ikaw ay magiging isang kumakalaban sa Diyos.
Kung kayang bitawan ng tao ang mga relihiyosong pagkaintindi, kung gayon hindi niya gagamitin ang kanyang kaisipan para sukatin ang mga salita at gawain ng Diyos ngayon, at sa halip siya ay tuwirang susunod. Bagaman ang gawain ng Diyos ngayon ay naipapakita na di-tulad ng sa nakaraan, nagagawa mong bitawan ang mga nakalipas na pananaw at tuwirang sumunod sa gawain ng Diyos ngayon. Kung ikaw ay may kakayahan sa gayong kaalaman na itinatanyag mo ang mga gawain ng Diyos sa ngayon kahit paano man Siya gumawa noon, ikaw ay isang taong nabitawan na ang kanilang mga pagkaintindi, sumusunod sa Diyos, at siyang nakatatalima sa gawain at mga salita ng Diyos, at sinusundan ang mga yapak ng Diyos. Sa ganito, ikaw ay magiging isang tunay na sumusunod sa Diyos. Hindi mo sinusuri o pinag-aaralan ang gawain ng Diyos; na para bang nalimutan na ng Diyos ang Kanyang dating gawain, at nalimutan mo na rin ito. Ang kasalukuyan ay ang kasalukuyan, at ang nakaraan ay ang nakaraan, at yamang isinantabi na ngayon ng Diyos ang ginawa Niya noong una, hindi ka na dapat manatili pa rito. Saka ka lamang magiging lubos na sumusunod sa Diyos at tuluyan mo nang tinalikuran ang kanilang mga relihiyosong pagkaintindi.
Sapagka’t laging mayroong mga bagong pagsulong ang gawain ng Diyos, kaya mayroong bagong gawain, at kaya mayroon ding gawain na lipas at luma na. Itong luma at bagong gawain ay hindi nagkakasalungat, bagkus ay magkaugnay; bawat hakbang ay sumusunod sa nauna. At dahil may bagong gawain, ang lumang mga bagay ay tiyak na dapat maalis. Halimbawa, ang ilan sa mga matagal nang pagsasagawa at mga kinasanayang kasabihan ng tao, kasama na ang maraming taon ng karanasan at mga turo, ay bumuo ng lahat ng uri ng mga pagkaintindi sa kaisipan ng tao. Nguni’t mas angkop sa pagkakabuo ng gayong mga pagkaintindi ng tao ay ang ’di pa ganap na pagbubunyag ng Diyos ng Kanyang tunay na mukha at likas na disposisyon sa tao, kaalinsabay ng pagkalat, sa loob ng maraming taon, ng mga tradisyunal na teorya mula sa sinaunang panahon. Makatuwirang sabihin na sa buong panahon ng paniniwala ng tao sa Diyos, ang impluwensya ng iba’t ibang pagkaintindi ay nagbigay-daan sa patuloy na pagkabuo at pagsulong ng isang kaalaman sa tao na kung saan ay mayroon siya ng lahat ng uri ng mga pagkaintindi ukol sa Diyos—na nagresulta sa maraming relihiyosong tao na naglilingkod sa Diyos ang naging mga kaaway Niya. At kaya, habang lumalakas ang mga relihiyosong pagkaintindi ng mga tao, lalo lamang nilang kinakalaban ang Diyos, at mas lalong nagiging mga kaaway ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma, at hindi kailanman ito bumubuo ng doktrina at sa halip, ito ay patuloy na nagbabago at napanunumbalik sa mas malaki o sa mas maliit na sakop. Ang gawaing ito ang pagpapahayag ng likas na disposisyon ng Diyos Mismo. Ito rin ang likas na prinsipyo ng gawain ng Diyos, at isa sa mga paraan kung saan isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang pamamahala. Kung hindi sa ganitong paraan gumawa ang Diyos, hindi magbabago ang tao o hindi makukuhang makilala ang Diyos, at si Satanas ay hindi madadaig. Kaya, sa Kanyang gawain may malimit na nangyayaring mga pagbabago na kung titingnan ay pamali-mali, ngunit ang mga ito sa totoo lang ay pana-panahon. Ang paraan kung paano naniniwala ang tao sa Diyos, gayunman, ay lubhang naiiba: Nangungunyapit siya sa luma, kilalang mga doktrina at mga sistema, at habang mas luma ay nagiging mas katanggap-tanggap ang mga ito sa kanya. Papaanong ang hangal na pag-iisip ng tao, isang pag-iisip na kasintigas ng bato, ay tumatanggap ng ganoong di-maarok na bagong gawain at mga salita ng Diyos?
Kinasusuklaman ng tao ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma; ang gusto lang niya ay ang makaluma at lumang Diyos na puti ang buhok at walang kibo. Sa gayon, sapagkat ang Diyos at ang tao ay may kani-kanyang mga kagustuhan, ang tao ay naging kaaway ng Diyos. Umiiral pa rin ang marami sa mga salungatang ito hanggang sa ngayon, sa panahon na ang Diyos ay nagsasagawa na ng bagong gawain sa loob ng halos anim na libong taon. Kung gayon, sila ay wala nang lunas. Ito marahil ay dahil matigas ang ulo ng tao o walang sinumang tao ang maaaring labagin ang mga atas administratibo ng Diyos—ngunit ang mga pastor at pastora ay kumakapit pa rin sa mga inaamag na mga lumang libro at mga babasahin, samantalang nagpapatuloy ang Diyos sa Kanyang hindi pa nakukumpletong gawain ng pamamahala na parang wala Siyang kasama sa Kanyang tabi. Sa kabila na ang mga pagsasalungatang ito ay ginagawang magkaaway ang Diyos at ang tao, at lalong hindi maaaring papagkasunduin, hindi sila pinapansin ng Diyos, na parang nandoon sila samantalang wala naman. Gayunman, ang tao ay nananatili pa rin sa kanyang mga paniniwala at mga pagkaintindi, at hindi kailanman binibitawan ang mga ito. Ngunit isang bagay ang maliwanag: Hindi man lumilihis ang tao sa kanyang paninindigan, ang mga paa ng Diyos ay laging kumikilos at lagi Siyang nagbabago ng isip batay sa kapaligiran, at sa katapusan, ang tao ang siyang magagapi nang walang laban. Ang Diyos, samantala, ay ang pinakadakilang kaaway sa lahat ng Kanyang mga kalaban na nagapi na, at Siya rin ang kampeon ng mga kabilang sa sangkatauhan na nagapi na at silang hindi pa nagagapi. Sino ang maaaring makipagtuos sa Diyos at manalo? Ang mga pagkaintindi ng tao ay parang galing sa Diyos sapagkat marami sa kanila ang isinilang pagkatapos ng paggawa ng Diyos. Nguni’t hindi pinapatawad ng Diyos ang tao dahil dito, at higit pa rito, ni hindi Siya nagbubuhos ng papuri sa tao para sa, kasunod ng gawain ng Diyos, paggawa ng pulu-pulutong na mga produkto “para sa Diyos” na nangasa-labas ng gawain ng Diyos. Sa halip, Siya ay labis-labis na nasusuklam sa mga pagkaunawa at makalumang relihiyosong paniniwala ng tao, at walang balak na kilalanin man lang ang petsa kung kailan ang mga pagkaunawang ito ay nagsimulang lumitaw. Ni hindi Niya tinatanggap na ang mga pagkaintindi na ito ay bunga ng Kanyang gawain, sapagkat ang mga pagkaintindi ng tao ay ipinapalaganap ng tao; ang kanilang pinagmulan ay sa kalooban at pag-iisip ng tao, hindi ng Diyos, nguni’t ni Satanas. Ang layunin ng Diyos ay laging para sa Kanyang gawain upang maging bago at buhay, hindi luma at patay, at yaong iniuutos Niya sa tao ay nag-iiba-iba ayon sa kapanahunan at panahon, at ito ay hindi panghabang-panahon at di-mababago. Ito ay dahil sa isa Siyang Diyos na nagiging dahilan upang mabuhay ang tao at maging bago, sa halip na isang diablo na nagiging dahilan upang mamatay ang tao at tumanda. Hindi pa rin ba ninyo ito maunawaan? May mga pagkaintindi ka tungkol sa Diyos na hindi mo mabitawan dahil sarado ang iyong isip. Hindi ito dahil halos walang saysay ang gawain ng Diyos, o dahil ang gawain ng Diyos ay hindi naaayon sa mga naisin ng tao—ni, higit sa rito, ito ay dahil sa ang Diyos ay palaging pabaya sa Kanyang mga tungkulin. Hindi mo mabitawan ang iyong mga pagkaintindi dahil masyado kang kulang sa pagsunod, at dahil ni katiting ay wala kang wangis ng isang nilalang ng Diyos, at hindi dahil ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo. Ang lahat ng ito ay kagagawan mo, at walang kinalaman sa Diyos; lahat ng paghihirap at kasawian ay kagagawan ng tao. Ang mga layunin ng Diyos ay palaging mabuti: Ayaw ka Niyang bigyan ng dahilan para magkaroon ng mga pagkaintindi, nguni’t ninanais Niyang magbago ka at mapanibago habang lumilipas ang mga panahon. Nguni’t hindi ka mahusay kumilatis ng pagkakaiba, at palagi na lang nag-aaral o nagsusuri. Hindi naman sa ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo, lamang ay wala kang paggalang sa Diyos, at napakalawak ng iyong pagsuway. Ang isang maliit na nilalang na nangangahas na kunin ang ilang walang kuwentang bahagi na ipinagkaloob na noong una ng Diyos, at pagkatapos ay tumatalikod at inaatake ang Diyos—hindi ba ito ang pagsuway ng tao? Ang mga tao, makatwiran lamang sabihin, ay lubos na hindi karapat-dapat na magpahayag ng kanilang mga palagay sa harap ng Diyos, at lalong hindi sila karapat-dapat maglabas ng kung anumang walang halagang mga salita—mabubulaklak ngunit nabubulok—na maisipan nila—bukod pa sa mga inaamag na pagkaunawang iyon. Hindi ba mas lalo silang walang kabuluhan?
Ang tunay na naglilingkod sa Diyos ay isang tao na kaayon ng puso ng Diyos at nararapat na gamitin ng Diyos, at nakahandang bitawan ang kanilang mga relihiyosong pagkaintindi. Kung ninanais mo na ang pagkain at ang pag-inom sa mga salita ng Diyos ay maging matagumpay, kung gayon ay dapat mong bitawan ang iyong mga relihiyosong pagkaintindti. Kung nais mong paglingkuran ang Diyos, kung gayon ay mas lalong kailangang bitawan mo muna ang iyong mga relihiyosong pagkaintindi at sundin ang mga salita ng Diyos sa lahat ng iyong gagawin. Ito ang dapat na maangkin ng sinumang naglilingkod sa Diyos. Kung wala kang kaalamang ganito, kapag naglilingkod ka na, makapagdudulot ka ng mga pagkaantala at mga kaguluhan, at kung ikaw ay mananatili pa ring nakakapit sa iyong mga pagkaintindi, kung gayon ay tiyak na patutumbahin ka ng Diyos, hindi na kailanman makababangon pa. Halimbawa, tingnan natin ang kasalukuyan. Marami sa mga pagbigkas at gawain sa ngayon ang di-kaayon sa Biblia, at di-kaayon sa gawaing ginawa ng Diyos noong una, at kung wala kang pagnanais na makasunod, kung gayon ay maaari kang bumagsak anumang oras. Kung nais mong maglingkod nang naaayon sa kalooban ng Diyos, kung gayon ay bitawan mo muna ang iyong mga relihiyosong pagkaintindi at iwasto ang iyong sariling mga palagay.
Karamihan sa sasabihin sa hinaharap ay hindi magiging kaayon ng sinabi sa nakaraan, at kung sa ngayon ay wala ka pa ring kakayahang sumunod, hindi ka makatatahak sa landas na darating. Kung isa sa paraan ng paggawa ng Diyos ang nag-ugat na sa loob mo at ’di mo kailanman binitawan, kung gayon ang kaparaanan na ito ang siyang magiging iyong relihiyosong pagkaintindi. Kung nag-ugat na sa loob mo ang kung ano ang Diyos, kung gayon ay nakamit mo na ang katotohanan, at kung ang mga salita at katotohanan ng Diyos ay may kakayahang maging iyong buhay, hindi ka na magkakaroon ng mga pagkaintindi tungkol sa Diyos. Silang mga nagtataglay ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos ay hindi magkakaroon ng mga pagkaintindi, at hindi susunod nang ayon sa doktrina.
Gisingin mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga sumusunod na mga katanungan:
1. Ang kaalaman ba sa loob mo ay humahadlang sa iyong paglilingkod sa Diyos?
2. Gaano karaming mga relihiyosong pagsasagawa ang nariyan sa araw-araw mong pamumuhay? Kung magkukunwari ka lang na banal, ibig bang sabihin nito na lumago at sumulong na ang iyong buhay?
3. Kapag ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, binibitawan mo ba ang iyong mga relihiyosong pagkaintindi?
4. Kapag ikaw ay nananalangin, nagagawa mo bang iwaksi ang relihiyosong seremonya?
5. Ikaw ba ay isang taong nararapat gamitin ng Diyos?
6. Gaano karami sa kaalaman mo sa Diyos ang nagtataglay ng mga relihiyosong pagkaintindi?
Ang hindi maiiwan ng mga Kristiyano sa araw-araw ay ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Ang pahina ng Ang Salita ng Diyos Ngayong Araw ay inirerekomenda sa iyo. Maraming mga salita ng Diyos sa pahinang ito. Mangyaring i-click at basahin: Slita ang Diyos ngayong araw